The Soundtrack Of My Summer

Chapter I

“…your voice was the soundtrack of my summer…” – boys like girls

Nung una kong marinig ang kantang yan, ikaw agad ang unang taong pumasok sa isip ko. O mas makabubuting sabihing, yung taong inisip kong ikaw.

Limang buwan na panandaliang pagpapakasaya. Limang buwan na akala ko, hanggang dun na lamang. Sayo siguro, natapos na. Pero sakin, nagpatuloy pa. Masakit, tulad ng pagguhit ng kidlat sa langit.

Ang hirap isipin na ang isang edukadong taong tulad ko, na masyadong nagpakatatag para sabihing isa akong matapang na nilalang, ay nagiba, at napaniwala ng isang tulad mo. Kahit ngayon, habang iniisip ko, masakit talaga. Hindi lang sa dahil wala ka na, kundi pati na din dahil sa pinabayaan kong wasakin mo ang dignidad ko. Tapakan, at pagtawanan.

-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-

Chapter II

Isang panaginip. Isang bangungot sa aking pagising.

Sa loob ng limang buwan kong pagkakakulong sa pantasyang yaon, marami-raming beses ding pinangarap kong makasama ka. Yung tipong naaaninag ko na ang kinabukasan kong kasama ka. Hawak natin ang kamay ng isa’t-isa. Imposible ang pag-ibig ko. Walang basehan. Pero sige lang ng sige.

Ngayon, san ako lumagpak, kaka-sige ko, sumige din ako sa pagdausdos sa lumot na unti-unting lumalamon sa aking pagkatao. Sinasakal ang puso ko. Kumakalmot sa lalamunan ko. Ibig nitong kumawala. Ayoko siyang palayain, dahil sa isa itong karuwagan. Simbolo ng kahinaan. Hangga’t kaya ko pa, ikukulong ko ang mga butil ng tubig sa loob ng sisidlang may lamat na.

Nagising ako sa sampal ng katotohanan. Akala ko manhid na ko. Pero ramdam ko ang hapdi ng kanyang paghagupit. Parang binaha akong bigla. Nabuhusan ng tubig na may yelo. At nanginig ako sa mga bagay na napagtanto ko.

Magmula noong nawala ka sakin, mahigit isang semestre akong naghanap ng kasiyahan. Kasiyahang hindi ko matagpuan dahil sa pagkakakulong ko sa ideyolohiyang itago natin sa pangalang “tayo”. Hindi “ikaw”. Tayo, dahil kasama ko. Masyado akong nag-ambisyon na baka may pag-asang magtagpo ang mga landas natin.

Kaya pala hindi ko mahanap-hanap ang kasiyahan, dahil pilit pa din akong kumakapit sa patalim. Yung tipong, kapit ka ng kapit, pero sa bawat paghigpit ng paghawak mo, lalo kang nagdurugo. Unti-unti kang inuupos na parang kandila, at pinipilit ng bumitaw.

-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-

Chapter III

Sa gabing ito, nais ko ng kumawala sa bangungot na ito. Maraming dahilan at isa na dito ay dahil sa ayoko ng mabuhay sa pantasyang ako lamang naman ata ang lumikha. Mag-isa kong binulag ang sarili ko.

Kinakausap ko ang puso ko, kung maaari lamang, bitawan ka na niya. Alam kong malakas ang tama niya sayo, pero alam kong nauubusan na rin siya ng dugo. Matagal-tagal na ding patuloy ang pagpatak ng dugo niya. At lagi siyang naiiwang sugatan, pero sige pa din siya sa pangangarap.

Sabi ko sa kanya, “kung pwede bang iwan na lang naming ang kahapon, kaming dalawa, sabay naming tatakasan ang pagmamalasakit ng mundo.”

Pero patuloy pa din siyang nasasaktan. Di ko maintindihan kung bakit napakabobo ng puso ko, di niya maintindihang irasyunal na ang ginagawa namin. Na parehas na kaming nagmumukhang tanga, lalo na ako. Ngunit ayaw pa din niyang bumitaw.

Huli ko na tong pagpupumilit sa kanya. Sabi ko, wag siyang mag-alala, madami pang iba. Madami kaming ipapalit, at madami pang mas karapat-dapat sa pagmamahal na kaya naming ibigay.

Sana lang maniwala na siya.

Ngayong gabi.

Ito na ang huling taning ko sa kanya para magdesisyon.

Sana tuluyan ka na niyang di isipin sa mga darating na bukas.

~aKDa~

4 Comments »

  1. Neex Said:

    kaya yan! andami pa namang iba eh, nandyan naman si wei. XD

    aKDa : sana nga si wei na lang e. kaso, di pwede, prend ko kasi siya. ^_^ nyahahaha! wei o, tinatapon nila ko sayo. pffft

  2. fhranz Said:

    awww..

    tama c neexx..

    marami pang iba jan…

    aKDa : marami ba? asan? *tingin sa likod* *tingin sa gilid* wala e.. ahahaha

  3. fhranz Said:

    anjan naman ung nasa taas ko *tingin sa ungang nagcomment* diba??

    hahahaha

    aKDa : ayt.. sos, how i wish…

  4. fhranz Said:

    hehehe malay mo naman bumigay na rin db??

    hahahaha

    aKDa : sige, itulak mo, para bumigay. hahaha.


{ RSS feed for comments on this post} · { TrackBack URI }

Leave a Comment